March 7, 2006

Martial Law

Filed under: Opinion

Ang daming umangal sa Proclamation 1017 ni Ate Gloria last February. Kesyo martial law na raw! Hindi daw kailangan. Hindi daw ayon sa batas. Ang gagaling nyo kasing lahat. Lahat kayo puro tama at magaling. Mga tinamaan ng magaling!

Magaling lang naman kayong magbunganga at umangal sa kahit na ano na yatang gawin ng pamahalaan. Umutot lang yata si Ate Glo ngangawa na kayo dyan ng foul e. Wala naman din kayong nagagawa para sa mga tulad naming naghihirap araw-araw kumayod para mabuhay ng kahit papaano ang pamilya.

Eto ang kastigo para sa inyong lahat:

SA MGA HUNGHANG NA PULITIKO:

Tapos na ang oras nyo sa gobyerno at napagsamantalahan nyo na ang taong-bayan nung kayo ang nakaupo. Marami na kayong nakurakot at kaya na kayong buhayin nyang ninakaw nyo hanggang sa susunod na buhay nyo. Makuntento naman kayo. ‘Wag na kayong maanggulo pa. Palagi na lang kayo ang nagsisimula ng gulo e. Gusto nyo pa yatang makabalik e. Hindi naman na pwede ‘yan.

SA MGA PARI AT BISHOPS NA PULITIKO:

Lagi kayong nangunguna pag me prayer rally o anumang misa na may kulay pulitiko. Sobrang galing nyo kasi e kaya pati si Hesus sinusuway nyo. Ang kay Cesar ay kay Cesar. Nakalimutan nyo na bang mga pulitiko at pariseo ang pumatay sa kanya? Hindi ko mahanap sa Bibliya kung saan namulitiko si Hesus at sumama sa rally. Puro pangaral at pagtulong sa mga mahihirap at may sakit ang ginawa nya e. Kung gusto nyong maging pulitiko alisin nyo na ‘yang suot nyong abito. Pakunwari pa kayong nagdarasal e rally naman talaga at protest ang pakay nyo. Mga huwad talaga kayo!

MGA SUNDALONG PULITIKO:

Sinisira nyo ang propesyunalismo ng mga karaniwang sundalo na maghapon sa gubat at nag-aabang ng mga kalabang kapwa rin nila Pilipino. Kung may karaingan kayo, ipabatid sa nakatataas sa inyo, huwag nang magpapansin pa sa mga mediang bangag at lasing sa mga haka-haka. Kung gusto nyong magpagamit at magpabayad sa mga laos na pulitiko, gumamit kayo ng sarili nyong armas, huwag yang mga tangke na binili ng buwis ng bayan upang ipagtanggol ang ating kasarinlan. Kung gusto nyong maging pulitiko, hubarin na ang uniporme at maglublob sa putik. Pareho na rin yun e. Nakalimutan nyo na yata yung sumpa nyo:

LOYALTY

IF - YOU WORK FOR A MAN, IN HEAVEN’S NAME
WORK FOR HIM; SPEAK WELL OF HIM AND STAND
BY THE INSTITUTION HE REPRESENTS.
REMEMBER - AN OUNCE OF LOYALTY IS WORTH A
POUND OF CLEVERNESS.
IF - YOU MUST GROWL, CONDEMN, AND ETERNALLY
FIND FAULT, WHY - RESIGN YOUR POSITION AND
WHEN YOU ARE ON THE OUTSIDE, DAMN IT TO
YOUR HEART’S CONTENT - BUT AS LONG AS YOU
ARE A PART OF THE INSTITUTION DO NOT CONDEMN
IT. IF YOU DO, THE FIRST HIGH WIND THAT COMES
ALONG WILL BLOW YOU AWAY, AND PROBABLY
YOU WILL NEVER KNOW WHY.

SA MGA MAKAKALIWA:

Hindi na kayo uso e. Kaya siguro kumakampi na rin kayo sa mga dulong makakanan. Huwag naman. Baka mawalan kayo ng sariling identity kayo rin.

SA MGA NAGRA-RALLY SA LANSANGAN

Alam nyo ba na iyang ibinabayad nila sa inyo ay mga ninakaw nila sa kaban ng pamahalaan noon? At kapag sila na ang nakaupo, kayo ang unang magdurusa sa lahat ng mga gagawin nila. Alam nyo ba na hindi umuusad ang ekonomiya dahil sa konteng barya na ibinabayad sa inyo bawat araw para tumambay sa kalye? Ang ibig sabihin nun: mas mahal na sardinas, bigas, kuryente, tubig, at pamasahe. Kulang din sa kalaunan iyang nakulekta nyo ng ilang araw na pagpapauto nyo sa mga gagong pulitiko.

SA MGA PULITIKONG WALANG MAPAGLAGYAN

Noon kasama kayong nagpabagsak sa isang rehimen. ‘Yung iba naman sumamang nagpabagsak dun sa playboy na artista. Tapos ngayong hindi kayo nabigyan ng pinapangarap nyo poder sa gobyerno, nakikihalo kayo sa mga dati nyong kalaban. Magkaroon naman kayo ng loyalty sa isang tao, kahit sa sarili nyo na lang. Pwede nyo namang kalabanin si Ate Glo ng hindi nakikipag-plastikan sa mga pinatalsik noon e. Bakit akala nyo ba bibigyan kayo ng pwesto nyan pag sila ang iniupo nyo?E mga numero unong ganid yan e. Mas ganid pa sa inyo. Sige magbigay nga kayo ng isang taong pwedeng ipalit sa pinapatalsik nyo. Sasama kami sa laban nyo kung meron kayong pwedeng ipalit sa kanya na hindi katulad nyo.

SA MGA LEADER NA PARANG ME ALAM

Si professor sama din sa rally. Niyaya pa ang mga babaeng mag-aaral na galing doon sa paaralan ng gobyerno na pinamumugaran ng mga magiging corrupt na pulitiko sa hinaharap. Iba naman ang trip nito e. Ang interpretasyon nya kasi sa 1017 ay martial law na katulad noon kay Apo. Gusto nyang maging bida bago sya malaos. Inuto pa ang mga hunghang na mag-aaral na ang mga magulang ay umaasang nagsisipag-aral sila at nakalugmok sa mga libro sa loob ng dormitoryo nila. Ang dami pang katulad ni professor na sa unang tingin ay may alam. Hindi nga lang nila alam na may mga institusyong gumagalaw at nagsusumikap na gamitin ang kanilang nalalaman upang makatulong sa mga mamayan sa pamamagitan ng mga proyektong hindi kailangang maghintay ng pagpapala ng gobyerno. Ang mga institusyong ito ang tumutulong sa mga karaniwang tao kahit hindi pondohan ng pamahalaan at ang mga nagpapatakbo dito ay mga taong galing din sa paaralang kanilang ipinagmamalaki. Hindi nila naririnig na nagpapahayag ito ng kanilang matalinong opinyon sa mga nangyayari sa pamahalaan. Kasi abala sila sa pagtulong sa mga tao, hindi sa pagyayabang ng kanilang nalalaman at mga opinyon.

SA MGA MAG-AARAL NA NAGPAPAGAMIT SA MGA PULITIKO

Akala nyo siguro magagaling na kayo kasi isang tawag lang na pumunta sa EDSA o sa Pasay Road ang bilis nyo. Ang pamasahe nyo naman at pambili ng mineral water ay galing sa pawis ng mga magulang nyo sa probinsya na kahit gabi na o umuulan ay sige ang kayod. May narinig lang kayong pagtitipon sa isang kalye sama na kayo agad kahit hindi nyo alam ang dahilan. Puro people power ang nasa isip nyo. Kesyo nilalabanan nyo ang Martial Law. E ni wala pa kayo sa mga puwet ng nanay nyo nung nagkaroon ng Martial Law. Ni hindi maaarok ng isip nyo ang takot na bumabalot sa tao noon. Araw-araw may nawawalang tao na lumalaban sa gobyerno, kung hindi man pinatay na, maging pulitiko man o taga-media o mag-aaral. Ngayon naglabas lang ng sinturon si Ate Glo, Martial Law na, People Power na kayo.

SA MGA NAKAUPO

Huwag kayong magpapatalo sa mga gustong umagaw ng kapangyarihang ibinigay namin sa inyo. Kung may pagkukulang man kayo, pinatawad na namin ‘yon. Kaya nga kahit ilang rally na ang natanaw namin dito sa bantayog ni Ninoy sa Ayala ay hindi pa rin kami bumababa ng opisina at sumasali e. Kaya ayusin nyo na ang trabaho nyo at para lalong lumakas at umunlad ang bansa natin. Kami kahit anong gulo nyo tuloy ang trabaho namin dito. Bukas ganun pa rin kami, kasi kailangang kumita ng pera. Kahit may mga tangke at sundalo pang nakahanay sa Ayala. Sana naman suklian nyo ‘yun ng maayos na serbisyo sa aming mga ordinaryong tao na binabawasan ng buwis ang pinagpawisan bawat sweldo, sa ayaw man namin o sa gusto.

Ayan ha, pag hindi pa naman kayo tinablan nyan ewan ko na.

Comments »

The URI to TrackBack this entry is: http://badbrown.blogsome.com/2006/03/07/martial-law/trackback/

No comments yet.

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment

Line and paragraph breaks automatic, e-mail address never displayed, HTML allowed: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <code> <em> <i> <strike> <strong>























Get free blog up and running in minutes with Blogsome | Theme designs available here