Instant
Tayong mga Pilipino sa mundo ng internet, kahit yung nakaraang henerasyon, ang tawag ay “Instant” Generation. Mahilig tayo sa madaliang mga bagay!Instant noodles, coffee, lahat ng pwedeng gawing instant na pagkain nandyan na. Wala tayong tyaga sa anumang bagay! Lahat gusto instant.
Lalo na sa pagyaman. Kaya taya dito, taya doon. Weteng dito, lotto doon. Sabay pasok naman ng mga gameshows sa TV. Noong nanonood ako ng Kwarta o Kahon ni Pepe Pimentel pag sinu-shoot sa SM West (SM North EDSA sa mga kahapon lang ipinanganak), malaking pera na ‘yung pitong libo. Ngayon, ‘pag siniswerte ka, isang milyon sa isang tayuan sa tabi ni Kris Aquino o ni Willie Revillame o ni Boss Vic. ‘Langhiya naman! Saan ka nga naman makakapulot ng ganun kalaking pera. Siguro sa panghoholdap lang ng bangko. Delikado pa yun saka baka magka-onsehan pa kayong magkakasama sa holdapan.
Masisisi mo ba yung mga taong ilang araw nang pumipila doon sa ULTRA? Doon na sila natutulog at kumakain (kung merong pangkain), dumudumi, naliligo, at kung anu-ano pa. Oo, masisisi mo sila. Marami doon kasi gusto maging instant milyonaryo. Marami doon pinabayaan ng mga kaanak na pumunta sa ganung show para kapag sinwerte, me balato rin sila. Yung mga lalaking sawa na sa mabigat na trabaho, pinayagan ang kanilang mga asawa, mga anak, at mga magulang na pumunta at pumila sa isang show na iilan lang naman talaga ang mananalo. Pikit-mata na lang, baka manalo, malay mo.
Pero sisihin nyo rin si Gloria na kulang ang mga ginagawa sa kanyang pamumuno para mabigyan ng trabaho ang mga ganitong tao. Ang kaya lang naman nyang bigyan ng trabaho ay yung mga college graduate at ipapasa nya sa call center. Hindi nya kayang gumawa ng paraan para mabigyan ng hanapbuhay ang mga magulang na walang pinag-aralan subalit sa kanilang edad ay kailangan pang kumayod para buhayin ang pamilya. Sabihin nyo nga sa akin kung ano ang plano ni Gloria para sa mga hindi tapos ng kolehiyo. Iyang mga linsyak na college graduates lang naman ang kaya nyang ipagmalaki na bibigyan ng trabaho. E kahit wala naman sya makakahanap ng trabaho ‘yang mga yan e. Sabay kuha naman nya ng credit na sya ang nagbigay ng trabaho nila. Pwe!
Sisihin nyo rin ang mga gameshow organizers at ang mga produkto na ini-endorse ang mga ganitong palabas na mali ang ibinibigay na pag-asa sa mga karaniwang tao. ini-exploit nila tayo. Mga manloloko! Mapagsamantala! Kung talagang gusto nyong mamigay ng pera sa tao, huwag sa isang contestant lamang. Ibigay nyo na lang sa mga batang naghihintay ng tulong sa pediatrics ward sa PGH. Maniniwala pa ‘ko sa inyo.
Sisihin nyo rin ang mga politikong puro politiko lang ang alam at ang kanilang mga sariling agenda. Sa sobrang kagigiit nyo na mas magaling kayo sa nakaupo, kayo na mismo ang nagpahirap sa bayan. Tamaan sana ng kidlat ang mga puwet nyong mga hinayupak kayo!
Sisihin nyo rin ang mga bishops at mga paring katulad nung mga jogging ng jogging at halo ng halo sa mga rally. Puro kayo pangaral e mga tuta din naman kayo ng mga politiko o ng sariling nyong paniniwala na mas magaling kayo sa nakararami. Ipadala sana ni Lord si San Miguel sa lupa at nang matikman nyo ang hinahanap nyo. Mga huwad!
Sisihin nyo rin ang mga sarili nyo na patuloy na nagpapaloko sa mga mabungangang politiko na patuloy namang nagsasamantala sa mga buwis na sapilitang kinukuha sa inyo ng gobyerno. Kunsabagay, dapat lang lahat tayo magdusa at sisihin. Puro tayo tanga e. Mga instant tanga!
